Heograpiya at Kasaysayan Ng Pilipinas
Pilipinas
Isang kapuluan na bansa ang Repúbliká ng̃ Pilipinas, na kilala rin bilang Pilipinas. Binubuo ang bansa ng higit-kumulang na pitong libo, isang daan at pitong (7,107) mga pulo. Matatagpuan ito sa rehiyong tropikal ng daigdig sa may kanluran ng Karagatang Pasipiko. Kabilang sa lupalop o kontinente ng Asya ang bansang Pilipinas.Heograpiya
Bansang nakahimlay sa rehiyong tropiko at nasa kanlurang panig ng Karagatang Pasipiko ang Pilipinas, at may 100 kilometro ang layo mula sa kontinente ng Asya. Taglay nito ang tinatayang 7,107 pulo, na mahahati sa tatlong bahagi: Luzon, Visayas, at Mindanao.Matatagpuan sa pagitan ng 116° 40' at 126° 34' S. longhitud, at 4° 40' at 21° 10' H. latitud, ang Pilipinas. Nasa hilaga nito ang Kipot Luzon; ang Karagatang Pilipinas sa silangan; ang Timog-Karagatang Tsina at Dagat Sulu sa kanluran; at ang Dagat Celebes sa timog. Naroroon ang Indonesia sa katimugang bahagi ng bansa, at ang Malaysia naman sa timog-kanluran. Sa silangan nakalugar ang Palau at sa hilaga matatanaw ang Taiwan.
Mainit at maalinsangan ang klima ng Pilipinas tuwing tag-araw na magsisimula mulang Pebrero hanggang Mayo. Samantalang mahalumigmig kung tag-ulan na sumasapit tuwing Hunyo hanggang Setyembre. Magsisimulang umihip ang hanging amihan pagdating ng Oktubre, bagaman ang ilang bahagi ng kapuluan ay makararanas ng paminsan-minsang pag-ulan. Angkop na angkop ang naturang klima para sa pagsasaka, paghahayupan, pagbubuo ng industriya, at kahit sa paglalakbay.
Humigit-kumulang na nasa 26.5° sentigrado ang temperatura ang umiiral sa buong taon.
Iba-iba ang topograpiya ng bawat rehiyon, na matarik mulang Cagayan, gagapang pababa sa Pampanga, magkakabitak-bitak sa Bikol at Kabisaan, hanggang umakyat muli sa Mindanao pagsapit sa Bundok Apo na may taas na 2,954 metro. Binubuo ng kagubatan, sari-saring tubigan, at iba't ibang uri ng lupa ang Pilipinas na malimit angkop sa agrikultura, minahan, turismo, agham, at iba pa.
Pangalan ng Bansa
Pilipinas ang gagamiting opisyal na pangalan ng bansa sa buong WikiFilipino, alinsunod sa kasaysayan, samantalang ang “Pilipinas” at “Philippines” ay gagamiting varyant ng naturang salita. Pananatilihin ang mga pangalang pantanging gaya ng “Unibersidad ng Pilipinas”, ngunit ang mga bagong katawagan na ikinakabit ang “Pilipinas” ay “Pilipinas” ang gagamitin. Tumutukoy naman ang “Filipino” sa wika at mga kaugnay na konsepto nito. Para sa higit na malalim na talakay, dumako sa Filipino. Sinasaklaw ng salitang “Pilipino” ang mga tao na nasakop o di-nasakop ng mga banyaga, at bahagi ng isang bansa, noon at magpahangga ngayon.Kasaysayan
Bago pa man dumaong ang mga mananakop na Europeo sa dalampasigan ng kapuluan, matagal nang nakikipagkalakalan ang mga sinaunang Pilipino sa mga karatig-bansang gaya ng Tsina at Timog-Silangang Asya. Marunong nang sumulat at bumasa ang mga katutubo, ayon sa kronika ng mga Espanyol, at may katutubong alpabetong Baybayin. Kinakailangang mag-aral ng Tagalog o Bisaya o Bikol ang mga frayleng Espanyol; bumuo ng mga diksiyonaryo at tesawrong gaya ng Tagalog–Espanyol; magsalin sa Tagalog o Bisaya ng mga akdang nasusulat sa Espanyol, upang magamit nila sa pangangaral at pananakop sa mga katutubo.Ayon sa antropologong si Jesus T. Peralta, tinatayang may 6,000–8,000 BK taon na ang nakalilipas nang umiral ang mga sinaunang tao sa kapuluan. At mapatutunayan ito sa pamamagitan ng mga antigong kagamitan at palayok na nahukay sa lupa o nasisid sa dagat, mulang Lambak Cagayan hanggang Isla Sanga-sanga.
Dalawang pangunahing pananaw o teorya ang makapagpapaliwanag hinggil sa paglitaw ng mga sinaunang tao sa kapuluan. Una, ang daloy ng wikang Austronesyano ay maaaring nagmula sa Formosa at Timog Tsina noong 5000 BK, tumawid sa hilaga ng Pilipinas, at bumaba pa-silangan tungong kalapit na mga bansa. Ikalawa, nagsimula ang paglaganap ng wikang Austronesyano mulang timog ng Pilipinas at hilagang Indonesia, saka lumaganap pa-silangan tungong ibang pook sa Pasipiko.
Taliwas ang kultura ng Pilipinas sa ibang bansang nakatuon sa pagtatayo ng mga edipisyo at ang mga bayani ay nakapako sa iilang tao. Mahalaga sa mga sinaunang Pilipino ang konsepto ng “bayan” o “ili” o “banwa,” ayon sa pag-aaral ni Zeus Salazar. “Ili” ang umukit ng “payyo” [rice terraces] sa Kordilyera, “bayan” ang bumangon sa hirap at kalamidad, “banwa” ang nagtaboy sa mga banyaga, at “sultanato” ang bahagi ng malawakang pagkilos hinggil sa pagtatamo ng kabansaan at ng mga pag-aaklas mula tangway ng Malaysia upang biguin ang mga Europeong mananakop na kulimbatin ang likas-yaman ng Mindanao at palaganapin ang Kristiyanismo sa buong Asya.
Halos dalawampung taon ang pamamayagpag ng naging diktador na Pang. Marcos, ngunit kisapmatang magwawakas iyon nang paslangin si Sen. Benigno "Ninoy" Aquino Jr. noong 1983. Sisiklab ang protesta sa buong Pilipinas, at mapipilitang tumawag ng halalan ang pangulo. Magkakaroon ng malawakang dayaan sa halalan, mag-aaklas ang mga sundalong pinamumunuan noon ni Fidel V. Ramos at Juan Ponce Enrile, hihingi sila ng saklolo sa taumbayan, lalo sa mga relihiyong pinamumunuan ni Jaime Cardinal Sin. Magpapasiya ang taumbayan na magtungo sa EDSA, ibunsod ang tinaguriang “People Power” (Aklasang Bayan), at mapipilitan si Marcos na madestiyero sa Hawaii sa tulong ng mga ahenteng Amerikano.
Maluluklok bilang pangulo ng bansa si Corazon C. Aquino, ang balo ni Ninoy Aquino, ngunit ang kaniyang administrasyon ay mababahiran ng madudugong kudeta, kabi-kabilang protesta, at panghihimasok ng Amerika sa kalagayan ng bansa. Mahahalal na pangulo pagkaraan si Ramos, na nabatikan din ang dangal dahil sa umano'y dayaan sa halalan at paratang na korupsiyon sa mga publikong proyekto, gaya ng inilitanya ni Sen. Miriam Defensor Santiago. Susunod na magiging pangulo si Joseph Ejercito Estrada, at muli, magwawakas ang kaniyang pamumuno sa isa pang Aklasan sa EDSA dahil sa gulong naganap habang nililitis ang kaniyang kaso sa Senado. Hahalili si Gloria Macapagal-Arroyo kay Estrada, muling tatakbo sa hahalan, at magwawagi sa mahigpit na katunggaling si Fernando Poe Jr. Sisigaw si FPJ na dinaya siya at ang taumbayan sa resulta ng halalan, subalit mahihinto iyon nang biglang tumaas ang kaniyang presyon ng dugo, pumutok ang ugat sa utak, at bawian ng buhay.
Mga Pananaw sa kasaysayan
Ang mga unang naitalang kasaysayan ng Pilipinas ay malimit isinulat alinsunod sa pananaw ng banyagang eksplorador, frayle, politiko, kawal, akademiko, negosyante, antropologo, artista, guro, at panitikero. Iba't iba ang interpretasyon sa kasaysayan ng Pilipinas, mulang pagbasa ng mga tekstong sinulat ng Espanyol hanggang paggamit ng mga tekstong gaya ng epiko, dula, kuwento, mito, at iba pa. Halimbawa, magpapayo ang gaya ni William Henry Scott na kahit sa mga diksiyonaryo, tala, at relihiyosong akdang sinulat ng Espanyol at may bahid ng prehuwisyo ay makapipiga pa rin ng mga dalumat na sadyang katutubo sa Pilipinas. Sinabi naman ni Renato Constantino na matagal nang binulag ng maling edukasyon ang mga Pilipino; kailangang purgahin ng Pilipino ang sarili. Dapat ituwid ang mga pagkakamali sa maláy na pagbabalik sa pinag-ugatan, kultura, at kasaysayan. Samantala, magpapanukala naman ang gaya nina Rey Ileto at Cesar Adib Majul na basahin ang kasaysayan mula sa pananaw ng nasa ibaba ng lipunan upang maunawaan ang mga pangyayari sa kasalukuyan. Palalawigin naman ni Zeus Salazar ang pagbasa ng kasaysayan alinsunod sa diskurso, dalumat, at wika ng Filipino, na kaiba sa diskurso, dalumat, at wika ng banyaga. Isasaad ng gaya ni Jaime Veneracion ang pag-aaral ng kasaysayang lokal sa pag-urirat sa kasaysayan ng bansa. Sa nasabing pag-aaral, pinaglalangkap ang mga pagbabago sa heolohiya, klima, politika, ekonomiya, kultura, at iba pang nagaganap sa isang tiyak na pook at ang mga pangyayari kahit sa ibayong-dagat upang maunawaan ang salimuot ng kasaysayan ng isang pook.Malaki ang impluwensiya ng pananakop sa paghubog ng kamalayan ng Pilipino, ngunit ang nasabing proseso ay hindi lamang sa iisang daloy nagaganap. Ayon kay Virgilio S. Almario, may tatlong diyalohikong agos ang pagbasa ng kasaysayan. Una, may tunggalian ang banyaga at ang katutubo na ang banyaga ang nananaig, gaya sa pagpapasok ng modang kanluranin sa sayaw o musika o pelikula. Ikalawa, may tunggaliang katutubo naman ang nananaig sa banyaga, gaya halimbawa ng paglaganap ng wikang Tagalog sa kabila ng pagpapataw na gamitin ang Ingles na midyum ng pagtuturo. At ikatlo, may tunggaliang patas lamang ang banyaga at ang katutubo. Ang diyalohikong agos ng pag-urirat ng kasaysayan ay gagamitin ni Almario kahit sa pagbusisi ng kasaysayan ng panitikan. Marami pang istoryador ang magpapanukala ng kani-kaniyang pagbasa sa kasaysayan ng Pilipinas, mulang linyadong pagbasa nina Renato Constantino, Teodoro A. Agoncillo, at Jose Maria Sison hanggang akademikong pagdulog nina Onofre D. Corpuz, Glenn May, at Ambeth Ocampo tungong pampanitikang rendisyon ng kasaysayan nina Carmen Guerrero Nakpil, Silvino V. Epistola, at Adrian E. Cristobal.
Dinamiko ang kasaysayan ng Pilipinas, kung pagbabatayan ang mga akda ng istoryador, at mababago kahit ang dating pagsasaad ng panahon sa mga nasabing pangyayari. Halimbawa, bagaman dumaong sa baybayin ng Cebu si Fernando Magallanes noong 1521, hindi naman agad masasakop agad ang buong kapuluan; lilipas muna ang halos 50 taon bago makabalik ang gaya ni Miguel Lopez de Lagaspi, ngunit muli ay hindi nangangahulugan iyon na nasakop agad niya ang buong kapuluan. Isa pang halimbawa'y kahit pumutok noong 1898 ang digmaan ng Pilipinas-Estados Unidos, matapos bilhin ng Estados Unidos mula sa Espanya ang Pilipinas, hindi nangangahulugang nasakop din agad ng Amerikano ang Pilipinas sa naturang taon at nagwakas noong 1946, nang “bigyan ng kalayaan” ng Estados Unidos ang Pilipinas. Patuloy na lalakas ang bisa ng Amerikanisasyon sa kultura, edukasyon, at gobyerno sa Pilipinas hanggang dekada 1950, bago sumiklab ang aktibismo ng mga samahang masa noong 1960 laban sa tiwaling pamamalakad ng pamahalaan at pananakop ng dayuhan. Ang paglalagay ng panahon sa malalaking pangyayari ay hindi maikakahon, kung gayon. Walang istoryador ang may monopolyo ng kasaysayan, kaya lalong sumisigla ngayon ang muling pagbasa at pagsusuri ng datos hinggil sa Pilipinas mula sa iba't ibang pananaw.
Ugnayang Panlabas
Opisyal na naitatag ang ugnayang panlabas ng Pilipinas nang hirangin ni Pangulong Aguinaldo si Apolinario Mabini na maging kalihim sa ugnayang panlabas noong 1898. Pumasok sa mga internasyonal na kasunduan ang Pilipinas, gaya ng Bell Trade Act, RP-US Mutual Defense Pact, at Laurel-Langley Agreement. Bagaman pumapabor sa Estados Unidos ang nasabing mga kasunduan, nagbigay ng puwang naman ang gayong pangyayari upang makatayo sa sariling paa ang Pilipinas at makalahok sa pandaigdigang larang ng paglikha ng batas.Pinagtibay noong 4 Hulyo 1946 ang Batas Komonwelt Bilang 732 na lumilikha sa Department of Foreign Affairs (DFA). Naging abala ang Pilipinas pagkaraan ng Ikalawang Digmaang Pandaigdig, isinulong ang internasyonalistang patakarang panlabas, na nakatulong nang malaki sa pagbubuo ng General Agreement on Tariffs and Trade (GATT). Makikilala ang bansa nang mahalal na kauna-unahang Asyanong Pangulo ng UN Pangkalahatang Asamblea si Carlos P. Romulo noong 1952. Pumaling ang patakaran ng DFA noong dekada 1950 sa pagpapatatag ng institusyon, propesyonalisasyon ng kawani, at masinop na pagpili ng opisyales.
Mababago ang agos ng patakarang panlabas ng Pilipinas noong dekada 1960 nang sikapin ng administrasyon ni Pang. Marcos na isaayos muli ang patakarang panlabas, itakda ang hanggahan ng teritoryo, pangalagaan ang kalayaan ng Pilipinas, at igiit ang mga pagtutulungan sa rehiyon ng ASEAN. Nabuksan ang mga ugnayan sa China at dating Union of Soviet Socialist Republic (USSR), at nagpadala ng mga misyon at nagbukas ng embahada ang Pilipinas sa silangang bahagi ng Europa. Pagsapit ng dekada 1970, itinampok ng Pilipinas ang kalakalan at banyagang pamumuhunan, at ang mga manggagawa ay mabilis na nakapangibang-bayang upang humanap ng trabaho. Ipinagpatuloy ng administrasyon ni Pang. Aquino ang dating patakaran ng dating administrasyon, nakipag-ugnayan sa ibang bansa sa larangan ng kalakalan, pamumuhunan, teknolohiya, at tulong. Kasama ang Pilipinas sa mga unang nagpundar ng Asia-Pacific Economic Cooperation (APEC) noong 1989, at naging aktibo rin sa pagtatatag ng ASEAN Free Trade Area. Noong 1990, nakipag-ugnayan ang Pilipinas sa Gitnang Silangan upang mapaunlad ang relasyon sa mga estadong Arabe at nang matugunan ang mga pangangailangan ng mga migranteng manggagawang Pilipino doon.
www.klimanaturali.org